Paano Magmahal ang mga Pilipino

“Nagpapatawa ka ba? Mahal mo ako? Kakakilala pa lang natin tapos mahal mo na agad ako? Dapat liligawan mo muna ako. Ililibre mo ako kapag recess at bibilhan mo ako ng cotton candy at papainumin mo ako sa water jug mo. Dapat naghihintay ka na sa gate bago mag-flag ceremony. Dapat dadalhin mo ‘tong bag ko at aakbayan mo ako kapag maraming tao. Tatanungin mo ako kung anong shampoo ko. At kapag nataya ako sa touching runner, ikaw ang magpapataya. Dapat ako lang ang laman ng heart mo. At bilang kapalit, lagi kitang papakainin ng baon ko tuwing lunch.”

Ito ang mga salitang binitiwan ng isang grade 3 schooler na si Elsa Mangahas (Kim Molina) kay “Tommy”, isang anatomy model sa loob ng eskwelahan, sa pelikulang “Jowable” sa direksyon ni Darryl Yap na ipinalabas noong nakaraang taong 2019.

Ito ay halimbawa ng isang kaugalian ng mga Pilipino na sa tingin ko ay hinding hindi kailanman mabubuwag-ang pagiging mapagmahal.

Sabi nila Love comes in all forms. Totoo naman, lalo na sa kulturang mayroon ang mga Pilipino, may iba’t ibang paraan tayo ng manipestasyon ng pagpapakita at pagpaparamdam nito sa kahit na sino, maski sa kahit na ano pa ‘yan. Kaya naman mayroon akong ilang ibibigay pero sa konteksto ng kontemporaryong panahon. Paano nga ba magmahal ang mga Pilipino? Para saan at para kanino?

  1. Over the Monthsary/Anniversary Counter

Ito ‘yung klase ng pagmamahal ng mga Pilipino sa mga mag-asawa pero mas madalas ay sa mga magkasintahan. Kung saan bawat buwan ay kailangan nilangin sa kalendaryo kung ilang buwan na silang nagsasama. Mas matagal na pagsasama, mas nakakabuo ng matatag na pundasyon. Isa pa, dahil sa lubos na pagmamahal ng mga Pilipino sa pamilya, napakalaking bagay para sa atin ang pagdurugtung ng lahi. Kaya minsan ay napakahirap sa ilan nating kababayan na tanggapin ang pagmamahal sa bahaghari dahil nakakulong pa rin tayo sa konsepto na ang pagmamahalan ay nasa pagitan lamang ng isang babae at isang lalaki.

Image Source: Caremin (2018). A Filipino Valentine’s Day. Retrieved from https://www.caremin.com/2018/02/filipino-valentines-day

2. Mapagmahalnatics

Ito ay ang mga masasabi nating nasa loob ng fanclubs, sila ‘yung mga nagmamahal sa mga nagmamahalan. Mas mararamdaman mo ‘yung klase ng pagmamahal na ito kapag naglabas ang paborito nilang mga artista sa youtube vlog tungkol sa date nila sa Intramuros o kaya sa bakasyon nila sa ibang bansa. Higit pa rito ay ang kamakailan lamang na nagimbal ang lahat noong naghiwalay at nasambit pa sa isyu ng pangangaliwa ang isa sa kanila. Para sa ilan, sila na ang imahe ng perpektong relasyon pero nauwi pa rin sa wala, dahil wala naman talagang perpektong relasyon. Aww. Hindi naman masamang mahalin sila, ang mali ay iyong tayo ang nagdidikta sa mga desisyon nila sa buhay dahil ang tunay na pag-ibig ay hindi dapat nakakasakal.

Image Source: “Luckiest girl ever! Thank you universe.” (Photo@nadine/Instagram)

3. Heart Reacts

Ito naman ay ang madalas nating makita sa social media o ‘yung tinatawag nating viral post. Halimbawa nito ay ang batang nagsisikap mag-aral sa tapat ng poste dahil mahal niya ang edukasyon at pangarap niya. Mayroon ding hindi nag-alinlangang isama sa loob ng paaralan ang kapatid dahil walang ibang magbabantay sa bahay nila na indikasyon lamang na hindi mo kailangan mamili sa dalawang bagay na mahalaga para sa isang tao. Isa pa ay ang pagmamahal ng isang guro sa isang aso, na hanggang sa kabilang buhay ay hinding-hindi ka iiwan dahil ang isang tunay na pag-ibig ay dapat nasusuklian ng isa pang pag-ibig.

Image Source: Filipino Times. (2019) Retrieved from https://filipinotimes.net/feature/2019/06/14/buboy-loyal-dog-killed-hit-run-accident/

4. Sa Linggong Pag-ibig

Ito ang isang klase ng pagmamahal ng mga Pilipino na mas madalas maramdaman sa araw ng Linggo partikular sa mga simbahan. Malakas ang pananampalataya nating mga Pilipino sa kung anong relihiyon natin, kaya nga siguro nagbunga ito ng mas marami pang religious institution. Malalim ang pinanghuhugutan ng kaugaliang ito, mula sa naipasa sa atin sa pagiging kolonya ng ilang daang taon, mas nakatatak sa kaluluwa natin ang sinasabi ng paniniwala natin kaysa sa bansang pinanggalingan nito. Gayundin sa pagiging deboto sa pagdiriwang ng iba’t ibang pista para sa iba’t ibang santo sa iba’t ibang parte ng bansa. Halimbawa na ang Traslacion, na nagpapakita sa kung paano natin ibigay ang buong pasensya, sakripisyo at pagtitiwala natin para lang sa relihiyon. Pasensya, na sa loob ng isang buong araw na pila mahagkan lamang ang rebulto. Sakripisyo, dahil titiisin ang siksikan at init makalapit lamang maski sa lubid. Pagtitiwala, na matutulungan tayo sa mga pagsubok na kinakaharap natin. Ngunit dahil din dito ay mayroong ilang nagmamahal nang nakapikit. Sa pagiging konserbatibo ng ilan, hindi na naayon sa konteksto ng kasalukuyan ang ilang usapin katulad ng safe sex education at divorce.

Image Source: Pata, D. (2020) Retrieved from https://www.msn.com/en-ph/news/national/quiapo-church-officials-to-investigate-complaints-after-fastest-orderly-traslacion/ar-BBYPYdl

5. Miss U

Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mga tradisyon at kultura ng mga Pilipino, naipapakita ang pagsuporta na maiangat ang kagandahan at katalinuhang taglay ng bawat Pilipina sa mga Beauty Pageant katulad ng Miss Universe. Hindi naman talaga imposible para sa atin na iangat ang isang adbokasiya sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagmamahal. Isang magandang paraan ito ng paglabas ng natatanging pagkakakilanlan at pagpapatingkad sa kulay ng Pilipinas dahil lamang watawat at pangalan ng bansa ang bitbit ng kandidata, kundi ang buong kasaysayan, sining at kultura ng bawat may lahing Pilipino.

Image Source: Retrieved from https://www.voanews.com/arts-culture/philippines-contestant-catriona-gray-named-miss-universe

6. DU30 (Dirty) Love

Sa pagiging lubos na mapagmahal ng mga Pilipino, maging sa politika ay nadadala ang subhetibong pananaw imbes na lohikal at kritikal na pag-iisip. Ang pagiging kabahagi ng politika sa bansa ay nahahati na lamang sa dalawang kulay na isang dahilan kung bakit mayroong pader na naghihiwalay sa isang magandang tunguhin sana para sa bansa. Ang klase ng pag-ibig mayroon dito ay nakaayon sa panandaliang pasarap. Mahal ka at mahal mo, nang mahigit isang buwan kada anim na taon tuwing kampanya. Mahal ka at mahal mo, dahil sa iniabot sa’yong praktikal na regalo katulad ng isang kilong bigas at isang sobreng may laman. Mahal ka at mahal mo, tuwing napapasaya ka sa mga indak at masayang tugtugin. Mahal ka at mahal mo, dahil sinabing kaya ka niyang protektahan. Mahal ka at mahal mo, dahil sinabing ibibigay niya ang pagbabago. Mahal ka at mahal mo, pero kamao ang sumasalubong sa’yo.

Image Source: Calleja, N. (2016) Retrieved from http://annx.asianews.network/content/philippine-elections-duterte-man-beat-16441

Mahal na mahal mo, pero hindi lang pala ikaw ang minamahal. May bahid pala ng mga lihim at ibang pakay. Mahal na mahal mo, pero kaya kang saktan hanggang mamatay. Hindi ganito ang tunay na pagmamahal.

Ilan lang ito sa mga nais kong ibigay na punto sa kung gaano lubos magmahal tayong mga Pilipino. Pero may mali, mali tayo ng minamahal. Dahil hindi bukas ang puso at isip natin para mahalin nang buong buo ang Inang Bayan. Kung maituturo lamang ito ng maayos, at mauunawaan ng bawat isang Pilipino, naniniwala akong malayo ang mararating ng pagmamahal na kaya nating ibigay.

At tayo, bilang isang guro sa Agham Panlipunan, malaki ang gampanin natin na maibigay at pagtibayin ang pundasyon ng identidad ng bansa sa pamamagitan ng kasaysayan dahil magkakaroon lamang ito ng saysay kung maitutuwid natin hanggang sa hangarin ng hinaharap. Marunong na tayo magmahal, pero para kanino natin iaalay ang pag-ibig natin?

Published by keyanne

Merely for academic purposes, some old writings or just random feelings.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started