Kung bakit mahimbing ang tulog natin sa gabi.
Napabagsak na lang balikat si Nonoy nang makita ang kahabaan ng pila sa terminal ng dyip sa may Balintawak. Kita sa mukha ng bawat isa ang pagkainip, yamot, pagod, pawis, luha, dugo–
Saka naging malikot ang mata para hulihin ang pinanggagalingan ng amoy.
Ihaw. Laman.
Kasabay ng pagtunog ng kalamnan.
Pipila? Bibili? Kahit ano pa ‘yan, parehong naghihintay pa rin. Pero kailangan niya munang makiramdam.
Sabay kapa ng bulsa… kabado. At saka dumukot.
Munting pailaw.
Kailangan diinan muna ang pagpindot sa pipitsuging selpon para lang mabuhay ang baterya at makita ang oras.
Mag-aalas siyete na.
Gabi na rin sa wakas.
Pero hindi na talaga matiis ng binata, malapit nang lumaylay ang dila sa pinaghalong gutom at uhaw.
“Aw!”
Aso. May asong nakamasid sa tabi ng iba pang nakaupo. Halos magkulay itim na ang kulay kayumangging mga balahibo. Naghihintay. Kung sakaling may isang magpabaya at mahulog ang karne na nakatusok. Maghihintay pa. Ilang sandali pa. At saktong may nahulo– naunahan siya ng tatlong asong nag-aabang nang palihim.
Kaawa-awa.
Tinitigan pa ang mga natitirang tigpipisong barya sa palad, saka pikit matang sinabi na…
“Isang istik ng–”
“Bayan! Bayan o!”
Walang pag-aatubiling nakitakbo, nakipagsiksikan at nakipagtulakan si Nonoy.
Kalimutan na ang gutom. Mas mahalaga na makauwi sa tahanan.
Pero sa huli’y mas piniling sumabit na lamang.
Nasa ibabaw.
Mas maganda ang kita sa ibabaw. Kahit nakakapit ang halos apat na daliri na lang, mas ayos na sa mas maganda. Isa pa, makakapag-wantutri siya rito. Ganoon daw kasi ang tamang bilang, ang tamang paraan para mabuhay.
Ilang kanto pa ay nakisabay na siya sa dagsa ng pagbaba ng pasahero. Ilang lakad lang ay nakita niya na ang tirahan.
Barong barong, pero sapat na para hindi mabisto.
Mangungutang na lang siya ng pansit pang-almusal sa asawa ni Mang Chino bukas nang umaga. May mas mahalaga siyang gagawin.
Nagsimula na siya sa pagpukpok.
Paglinya.
At paghigop.
Nakatanaw.
Natatanaw na ang mga namumulang mata, sa liwanag ng puting buwan ay makikita ang tingkad ng asul na kalangitan, kasabay ng pagkinang ng mga bituin.
Sa wakas, makikita niya nang muli ang Inay. Matagal na siyang naulila. Ni hindi niya na maalala kahit ang ngiti nito.
Walang mukha. Walang pangalan.
Pero nararamdaman niya.
Sa wakas, magiging mahimbing na ang tulog niya.
Sa ilusyong ito, walang pighati at pasakit.
Ito ang klase ng realidad na pinapangarap natin.
Pero bakit palagi tayong naghihintay sa dilim?
Bakit mas pinipili natin ang mahimbing na tulog kaysa payapang buhay?
Ito marahil hanggang ngayon ay isa pa ring palaisipan.
